-- Advertisements --

MANILA – Wala pa rin daw ebidensya para masabi na ang mas nakakahawang B.1.1.7 (UK variant) ang nasa likod ng pagsipa sa bilang ng mga bagong kaso COVID-19 sa Pasay City.

Ito ang sinabi ng Department of Health (DOH) kasunod ng localized lockdown na ipinatupad sa iba’t-ibang barangay at kalye sa lungsod.

“Wala pa rin tayong nakitang link. Tiningnan natin yung mga kaso sa ngayon, hindi natin nakita na talagang directly linked with this specific case na we have identified,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Kung maaalala, isa sa 62 indibidwal na tinamaan ng mas nakakahawang UK variant dito sa bansa ang mula sa Pasay.

Isang babaeng residente ng lungsod na may anak na nagta-trabaho sa MRT-3.

“Kailangan natin kumuha ng samples mula sa areas na ito para ma-subject natin sa (whole) genome sequencing so that we will be able to appropriately determine kung mayroon nga bang variants na iba dito sa lugar na ito.”

Bukod sa babaeng may anak sa MRT-3, wala rin daw nakitang ebidensya ang DOH para mai-ugnay ang sitwasyon ng Pasay City sa isang returning overseas Filipino na tinamaan din ng UK variant na mula sa lungsod.

Kahapon, isinailalim ng Pasay local government unit sa 14-araw na enhanced community quarantine ang 22 barangay ng lungsod.

Bukod pa ito sa 33 barangay at transient houses na unang pinatawan ng LGU ng localized lockdown.

Sa pagtataya ng OCTA Research Group, higit triple ang itinaas ng COVID-19 cases sa Pasay mula February 18 hanggang 20, kumpara sa nauna nitong 7-day average ng mga bagong kaso ng sakit.

OCTA

“The local government of Pasay should be commended for its swift response to the outbreak by implementing localized lockdowns in several barangays, and this will hopefully mitigate the spread of the virus in the area,” batay sa February 21 report ng OCTA.

Sa huling tala ng Pasay LGU, pumalo na sa 7,704 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa lungsod.

Nakatakda namang magpulong ang DOH, kasama ang mga opisyal ng local government unit at concerned agencies para ma-asistehan ang Pasay sa sitwasyon nito sa COVID-19.