-- Advertisements --

Walang nakikitang constitutional crisis ang Malacañang sa kabila ng nagpapatuloy na sigalot sa liderato ng Senado.

Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro matapos tanungin kung posibleng mauwi sa constitutional crisis ang pag-aagawan sa liderato ng mataas na kapulungan, lalo na sa usapin ng special session at impeachment trial.

Ayon kay Castro, malinaw ang paninindigan ng ehekutibo na si Acting Senate President Win Gatchalian ang kinikilala nitong lider ng Senado.

Sinabi rin ng opisyal na anumang posibleng problema sa pagpapatupad ng mga hakbang ng Senado ay usapin na ng mataas na kapulungan at hindi ng ehekutibo.

Dagdag pa nya, hindi na dapat magkaroon ng sigalot sa liderato ng Senado at dapat tanggapin na lang ng kabilang panig ang naging pagkilala sa kasalukuyang liderato.

Kasunod ito ng nagpapatuloy na pagtatalo ng magkabilang kampo kung sino ang lehitimong lider ng Senado at kung sino ang dapat manguna sa mga opisyal na gawain ng mataas na kapulungan.

Samantala, nais ni Pangulong Marcos na magkasundo muna at ayusin ng mga senador ang kanilang mga hindi pagkakaintindihan bago magsagawa ng anumang pormal na pagpupulong o interbensyon ang Ehekutibo.

Ayon kay Palace Press Officer Usec Claire Castro, mababalewala lamang ang balak na pagpapatawag ng Pangulo ng isang special session kung patuloy na magkakagulo at hindi magkakaisa ang mga miyembro ng Mataas na Kapulungan.

Binigyang-diin ng Palasyo na dapat ay kapakanan ng publiko ang manaig at hindi ang personal na interes ng mga mambabatas sa gitna ng nagaganap na labanan sa liderato ng Senado.

Gayunpaman, inihayag ni Castro na pina finalize na lang sa ngayon kung magpapatawag ng special session ang Pangulo.

Una ng iminungkahi ni dating senate president Franklin Drilon na dapat ng makialam ng Pangulo ng sa gayon maayos na ang tensiyon sa Senado.