-- Advertisements --

Nagpaabot ng malalim na pakikiramay ang Pamahalaang Lungsod ng Zamboanga kaugnay ng naganap na insidente ng pamamaril sa isa sa mga kilalang paaralan sa lungsod.

Ayon sa lokal na pamahalaan, nakikipag-ugnayan na sila nang maigi sa pamunuan ng paaralan, sa Zamboanga City Police Office (ZCPO), at sa iba pang mga kinauukulang awtoridad upang maaksyunan agad ang kaganapan.

Tiniyak ng lungsod sa publiko na kontrolado na ang sitwasyon at naipatupad na ang mga angkop na hakbang sa seguridad, dahil nananatiling pinakamataas na prayoridad ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at ng buong komunidad.

Kasabay nito, nakiusap ang pamahalaang lungsod sa lahat na manatiling kalmado, maging alerto, at maging responsable sa pamamagitan ng hindi pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, tsismis, larawan, o video na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang takot o makaabala sa imbestigasyon ng pulisya.

Hinimok din nila ang publiko na sa mga opisyal na pahayag lamang umasa mula sa City Government, pulisya, pamunuan ng paaralan, at iba pang awtorisadong ahensya.

Nakahanda naman ang pamahalaan na magbigay ng suporta sa lahat ng mga naapektuhan at nanawagan ng pagkakaisa at pagiging mapagmatyag upang mapanatiling ligtas ang mga paaralan at buong komunidad.