-- Advertisements --

Nilinaw ni Labor Sec. Silvestre Bello III na wala pang pormal na kautusan mula sa Department of Labor and Employment hinggil sa paghinto ng trabaho sa Skyway extension project kasunod ng aksidente noong Sabado nang bumagsak ang isang steel grider.

Ginawa ni Bello ang paglilinaw na ito matapos na mapaulat hinggil sa umano’y work stoppage sa Skyway extension project upang bigyan daan ang imbestigasyon sa aksidente, tulad nang binanggit ni Department of Labor and Employment (DOLE) spokesperson Rolly Francia sa isang press briefing kahapon.

Ayon kay Bello, hinihintay pa niya sa ngayon ang report o resulta ng imbestigasyon, na siyang magiging basehan naman aniya ng kanyang ilalabas na kautusan.


Nitong umaga lamang niya natanggap ang report  mula sa concerned regional director at executive director ng Occupational Safety and Health Center ng DOLE.

Kaugnay nito ay umaasa ang kalihim na tuloy pa rin ngayong araw ang trabaho para sa naturang proyekto.

Nauna nang sinabi ni Franca na naglabas na sila ng kautusan sa contractor na EEI Corp. at mga subcontractors mula sa DOLE-National Capital Region.

Subalit sinabi naman ni Bello na ire-review pa niya ang mga rekomendasyon na nakasaad sa report.

Mababatid na isa ang patay at apat naman ang sugatan matapos na bumagsak sa anim na sasakyan sa Muntinlupa City ang steel bar mula sa ongoing project.