Tiniyak ni Phillippine Air Force (PAF) Chief Lt. Gen. Galileo Kintanar na tuloy pa rin ang kanilang combat utility helicopters project kahit kinansela na ang kontrata para sa 16 na mga Bell 412 helicopters sa bansang Canada.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Kintanar, sinabi nito na naghihintay na lamang sila ng final instruction mula sa higher headquarters para simulang muli ang proyekto.

Sa ngayon aniya, wala pang tagubilin ang technical working group kung anong klaseng choppers ang bibilhin ng PAF kapalit ng Bell 412 helicopter.

Nasa $233 million ang pondo na inilaan ng gobyerno na para sana sa choppers.

Hindi naman masabi ni Kintanar kung 16 pa rin na combat utility choppers ang kanilang mabibili dahil posibleng mag-iba na ang mga specifications at presyo.

Magugunitang pinakansela ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kasunduan, kasunod ng pahayag ng Canadian government na kanilang rerepasuhin ang helicopter deal.

Pangamba kasi ng Canada na baka gamitin umano ang mga choppers sa anti-insurgency operations.

Ayon kay Pangulong Duterte, maghanap na lamang umano ang militar ng ibang puwedeng maging supplier.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here