-- Advertisements --

Masayang iniulat ng Department of Education (DepEd) na wala pang nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) mula nang nagbukas ang face-to-face classes noong Agosto 22.

Pero sa kabila nito, tiniyak naman ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa na patuloy nilang imo-monitor ang sitwasyon ng COVID-19 sa mga paaralan araw-araw at ipagpapatuloy ang counselling sessions sa mga hindi pa bakunadong learners at school staff maging ang roll out ng mobile COVID-19 vaccination sa mga paaralan.

Bago magbukas ang klase, sinabi ni Poa na nasa 19 percent lamang ng mga learners ang fully vaccinated laban sa COVID-19 base sa DepEd Learner Information System.

Kung maalala, pinayagan pa rin ang mga guro at mga estudyanteng makipag-participate sa face-to-face classes kahit ano pa ang kanilang vaccination status.

Samantala, sa nakaraang dalawang linggo ay nakakatanggap pa rin naman daw ang DepEd ng magadnang feedback sa kanilang mga regional offices kaugnay ng mga sitwasyon sa mga paaralan.

Wala rin umanong major o untoward incidents na nangyari sa mga nakaraang araw.

Una rito, sinabi ni Poa na maglalabas na ang mga ito ng memorandum order para sa extra-curricular at co-curricular activities na kanilang isasama para sa School Year 2022-2023.

Un nang pinaalalahanan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang mga guro na mag-focus sa academics dahil na rin sa mga learning losses dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Mayroon din umanong psychosocial support activities para makapag-focus ang mga estudyante sa kanilang mental health at well-being.

Ngayong taon mahigit dalawamput siyam na milyong estudyante ang naka-enrol sa public at private schools.