-- Advertisements --

Mismong si Health Sec. Francisco Duque III na ang dumepensa sa gobyerno laban sa mga kritikong nananawagan na magkaroon ng mass testing ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sa virtual meeting ng House Committee on Health nitong hapon, binigyang diin ng kalihim na wala pang estado ang nakapag-test ng buong populasyon nito.

“I do not recall that mass testing was ever done. I think the mass testing, the word ‘mass’ is generic. I understand that even rt-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) can be used under that terminology of mass testing as well as the rapid antibody testing kits,” ani Duque.

Ayon sa kalihim, nasa porsyento lang ng populasyon ng bawat bansa ang nate-test sa sakit. Kadalasan daw, sa mga lugar pa na itinuturing na epicenter ng outbreak.

Kung maaalala, ipinaliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire kamakailan na expanded testing ang ginagawa ngayon ng bansa.

Ibig sabihin, mula asymptomatic na may sintomas ng sakit, hanggang sa may malalang sintomas ng COVID-19 na ang nate-test.

Target ng pamahalaan na maabot ang 30,000 testing capacity kada araw ng mga laboratoryo sa bansa.

Katumbas daw kasi ito ng 50-percent ng mga suspected at probable cases ng COVID-19.