-- Advertisements --

Wala pa rin daw hawak na impormasyon ukol sa pinag-uusapang Sputnik V ng Russia ang mga opisyal ng Pilipinas na nakatalaga para sa COVID-19 vaccines.

Ayon kay Dr. Jacinto Mantaring, ang chairman ng Single Joint Research Ethics Board, mahalagang makita nila ang resulta ng Phase 1 at 2 ng naturang bakuna bago timbangin ang posibilidad na i-rolyo ang Phase 3 nito sa bansa.

“We will not allow any trial if there is no preliminary proof of efficacy and safety… Ang layunin ng Phase 1 and Phase 2 is more of safety. Pag nakitang safe doon pa lang gagawa ng Phase 3,” ani Dr. Mantaring.

“Hindi pa po natin nakikita ang Phase 1 and Phase 2 results of this. It has to be published in the scientific world so that everybody can look into its safety, tolerability as well as the effectiveness,” ayon naman sa infectious disease expert na si Dr. Josefina Carlos.

Una nang sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) na asahang sa April 2020 pa magiging available sa publiko ang Sputnik V.

Kamakailan nang ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa ang estado para sa clinical trials ng Russian-developed vaccine, at maging siya ay interesadong magpa-bakuna.

Tiniyak naman ng Department of Health na gaya ng ibang bakuna at gamot ay dadaan regulatory process ang Sputnik V bago ito subukan sa mga Pilipino.