-- Advertisements --

Muling nagpaalala ang mga opisyal ng Quiapo Church na papalitan muna ngayong taon ang nakasanayang “pahalik” sa Itim na Nazareno.

Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, dahil isa sa pinanggagalingan ng virus ay ang paghawak sa isang bagay ay wala munang pahalik ngayong taon.

Imbes aniya na pahalik ay papalitan ito ng pagpupugay at pagtanaw upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease sa mga deboto.

Maaari umanong makita ng mga beboto ang imahe ng Itim na Nazareno na inilagay sa balkonahe ng Quiapo Church.

Idinungaw ngayon ang imahe ng Nazareno na ginagamit sa prusisyon kung saan maaaring sumaglit ang mga tao sa simbahan upang iwagayway ang kanilang panyo bilang tanda ng pagpupugay sa Poong Nazareno.

Hindi rin papayagan ang mga deboto na ipunas ang kanilang mga panyo sa imahe, na isa sa mga nakasanayan na ring gawin ng mga deboto tuwing pista ng Itim na Nazareno.

Bukod dito ay hindi rin hinihikayat ng pari ang mga deboto na magdala ng malalaking replica ng Nazareno dahil sayang ang espasyo.