Naghihintay pa rin umano ang Simbahang Katolika kaugnay sa magiging sagot ng pamahalaan sa kanilang isinumiteng proposed guidelines kaugnay sa pagnanais na maibalik na ang religious activities.
Sa isang panayam, inihayag ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na dalawang linggo na ang nakakaraan pero wala pa silang natatanggap na tugon mula sa Department of Health hinggil sa kanilang panukala.
Ang apelang ito ni Pabillo ay kasunod ng pag-alis na ng enhanced community quarantine sa ilang bahagi ng bansa sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Giit ng Manila bishop, tulad sa kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa mga operator ng public utility vehicles sa kani-kanilang pasahero, kaya rin naman ng mga simbahan na magkaroon ng listahan para naman sa mga magsisipagsimba.
Katunayan aniya ay pareho lang din sa mga mall na tila hindi naman nakakapagsagawa ng contract tracing.
“Natatakot sila, ‘yung contact tracing daw kung sino ang sisimba, pero ganoon din ang nangyayari sa malls. May contact tracing ba sila sa malls,” dagdag nito.
Sakali raw na maibalik na ang pagsasagawa ng misa sa loob ng simbahan, tiniyak ni Pabillo na oobligahin ang lahat ng church goers na magsuot ng face mask maliban sa pari at lector kapag magsasalita.
Maaasahan din daw ang presensya ng mga thermal scanners at sanitizers sa loob ng lahat ng simbahan bilang bahagi ng health protocols laban sa nakakamatay na COVID-19.
Kung maaalala, naging “online” na lamang ang nagdaang Holy Week events nitong Abril. Mula ito sa Palm Sunday mass hanggang sa Easter Sunday.
Nabatid na maging ang Iglesia Ni Cristo ay natigil din ang nakagawiang pagsamba ayon sa ating ilang nakapanayam, pero mayroon daw silang tinatawag na “house worship.”
Para naman sa mga Born Again Christian, idinaan din sa online streaming ang kanilang worship service.