Inaasahang ilalabas na sa susunod na buwan ang resulta ng deliberasyon ng National Capital Region – Tripartite Regional Wages and Productivity Board (NCR-TRWPB) ukol sa panibagong hirit na taas pasahod para sa pribadong sektor.
Maalalang una nang inihirit ng labor sector ang pagtaas sa minimum wage para sa mga mangagawa sa pribadong sektor sa bansa, mula sa kasalukuyang P570 daily minimum wage patungong P1,160.00 kada araw.
Ibig sabihin, madadagdagan ng P590.00 ang arawang sahod para sa mga mangagawa sa Metro Manila.
Ayon kay DOLE NCR Regional Director Sarah Buena Mirasol, muli silang magsasagawa ng deliberasyon sa susunod na linggo, bago ang posibilidad na paglalabas ng desisyon sa susunod na buwan.
Gayonpaman, wala pa rin aniyang katiyakan kung pagbibigyan ang napakataas na hirit ng labor sector, habang patuloy na pag-aaralan ng ahensiya kung magkano ang idadagdag sa kasalukuyang sahod na natatanggap ng bawat mangagawa sa NCR.
Matatandaang huling nagkaroon ng wage increase sa National Capital Region noong Mayo, 2022, kung saan umabot lamang sa P33.00 ang naidagdag sa arawang sahod ng mga mangagawa.
Ang naging dahilan ng labor sector sa napakataas na wage increase ngayong taon ay dahil sa labis na pagsipa ng presyo ng mga pangunahing produkto, kung saan pumalo pa sa 8.7% ang inflation rate sa bansa.
Maging ang bayad sa serbisyo ay labis din ang pag-angat.
Dahil sa paggalaw sa presyo at bayad sa serbisyo, nakikitaan ng labor sektor ng pangangailangan na itaas na sa P1,160.00 ang arawang sahod, upang kaya umano nitong buhayin ang isang mangagawang may pamilya na nakatira sa Pilipinas.