Epektibo na sa Abril 8 ang P20 dagdag sa minimum wage sa Bicol Region matapos ang deliberasyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) noong Marso 3.
Ayon kay DOLE Bicol Regional Director Imelda Gatinao, bunga ito ng masusing konsultasyon sa anim na probinsya at dalawang public hearings na nagsimula pa noong Enero.
Kasalukuyang nasa P435 ang minimum wage na mas mababa sa poverty threshold na P460, at ang real wage value ay nasa P320 lamang dahil sa inflation.
Dahil dito, napagkasunduan ng board ang kabuuang P45 umento na ipatutupad sa dalawang tranches.
Ang unang P20 ay ipatutupad sa Abril 8 at ang karagdagang P25 ay sa Disyembre.
Sa kabuuan, tataas ang minimum wage sa rehiyon sa P480. Batay sa datos ng PSA, 92.6% ng mga negosyo sa Bicol ay micro-establishments, kung saan karamihan ay nasa service sector gaya ng transportasyon, turismo, hotel, at retail.
Nagpasalamat si Gatinao sa mga kasamahan sa RTWPB na kinabibilangan ng DTI, DepDev, dalawang kinatawan ng manggagawa, at dalawang kinatawan ng management sector.
Ang hakbang na ito ay nakikitang malaking tulong sa mga manggagawa upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
















