Muling umapela ang pamunuan ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa mga residenteng nakatira sa mga peligrosong lugar na makinig sa mga babalang ipinalalabas nila at ng mga lokal na otoridad.

Ito’y matapos ang napaulat na pagkamatay ng magkapatid na teenager sa isang landslide sa Taytay, Rizal, sa kasagsagan ng pagbuhos ng malakas ulan.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan, huwag matigas ang ulo at huwag isugal ang kaligtasan, bagkus ay sumunod sa mga advisory lalo na sa mga lugar na kailangang lumikas ang mga residente.

Partikular aniya rito ang mga residenteng nakatira sa mga landslide prone area at sa mga low lying at coastal areas.

Sa ngayon aniya ay may ongoing evacuation operations sa ilang mga lugar sa Quezon, Laguna, Rizal at Batangas.

Batay aniya sa pinakahuling impormasyong natanggap ng National operations center, bukod sa landslide sa Taytay, mayroon ding pagguho ng lupa na nai-report sa Nasugbu, Batangas.

Samantala, nakaranas ng mga pagbaha sa Malabon, Quezon City, Paranaque, Pasig, Camarines Norte, Quezon Province, Laguna, Rizal at Batangas.