Ipinanawagan ng isang environmental advocacy group ang agarang pagpapasara sa kontrobersiyal na Wacuman dumpsite na matatagpuan sa pagitan ng Norzagaray at San Jose del Monte sa Bulacan.
Ito ay dahil sa iligal na operasyon nito at malaking banta sa kalusugan at sa kalikasan.
Ayon sa Alliance for Consumer and Protection of Environment Inc. (ACAPE), ang nabanggit na imbakan ng basuran ay nag-o-operate ng walang kaukulang permiso mula sa mga lokal na pamahalaan ng Norzagaray at San Jose del Monte.
Nabatid na tutol ang mga residente ng San Jose Del Monte laban sa Wacuman, na anila’y nakakaapekto sa kanilang kalusugan at sa kapaligiran.
“Without permits, Wacuman is illegally operating its dumpsite. In addition, the local government of Norzagaray has issued a cease and desist order against Wacuman but the company is wantonly violating this,” ani Rhia Ceralde, spokesperson ng ACAPE.
Anila, ang lokasyon pa lamang ng dumpsite ay iligal na at tahasang paglabag sa Presidential Decree 1152 na nagbabawal sa paglalagay ng imbakan ng basura malapit sa mga sapa, ilog at iba pang daluyan ng tubig.
Napag-alaman pa ng grupo na ang pasilidad ng Wacuman ay malapit lamang sa daluyan ng tubig na paglabag sa 300-meter distance na itinatakda sa ilalim ng Order No. 50 noong 1998 na inisyu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon sa environmental group, ang San Jose del Monte’s waterways ay nakakonekta sa Marilao River na ang tubig ay napupunta naman sa Manila Bay.
Sa makatuwid ay dinudumihan anila ng Wacuman ang mga ilog sa San Jose del Monte na napupunta naman at nagdudulot ng polusyon sa Marilao River.
Ayon pa sa ACAPE, batay sa pag-aaral ng CRL Environmental Corporation nitong February 2019, lumalabas na ang mapanganib sa kalusugan at sa kalikasan ang samples na kanilang nakuha mula sa surface water na nagmula sa junction ng Bubuaya creek kung saan lumalagos ang katas mula sa Wacuman dumpsite.
Una nang ipinag-utos ng Supreme Court (SC) noong Pebrero 15, 2011 sa mga lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Bulacan na protektahan ang Manila Bay, sa pamamagitan ng pag-aksiyon laban sa mga factories, commercial establishments at iba pang sumisira sa kalikasan.