-- Advertisements --

ILOILO CITY – Ipinauubaya na ng Western Visayas Medical Center Subnational Laboratory (WVMC-SNL) sa cybercrime division ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon kaugnay sa naglipana na pekeng RT-PCR (real-time reverse transcription polymerase chain reaction) test results.

Ang nasabing test results ay may logo ng WVMC at Department of Health (DOH). Pirmado pa ito ng mga nagngangalang Arriane Sibal, Abigail Joy Pastolero, Andres Miranda, at Pierre G. Layson, na una nang nilinaw ng laboratoryo na hindi ang mga empleyado ng DOH at ng ospital.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Stephanie Abello, chief pathologist ng WVMC-SNL, sinabi nito na ang nasabing fake result ay kulang sa security features katulad ng bar code.

Ayon kay Abello,sa ngayon hinihintay na nila kung ano ang magiging hakbang ng NBI.

Nauna nang sinabi ng ospital na posibleng negosyo ang isa sa mga dahila kung bakit naglipana ang pekeng RT-PCR test result sa rehiyon.