-- Advertisements --

Hinikayat ni Vice President Sara Duterte ang mga Pilipino na patuloy na pagyamanin at gamitin ang Wikang Filipino bilang kasangkapan sa pagkatuto at pagkuha ng impormasyon, lalo na sa panahon ng mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence (AI).

Sa kanyang mensahe para sa Buwan ng Wika, sinabi ng Bise Presidente na hindi dapat mapag-iwanan ang pambansang wika sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya.

Ayon pa kay VP Sara, dapat manatiling “sandata sa karunungan at digital inovation” ang Wikang Filipino.

Nabatid na ang tema ngayon ng Buwan ng Wika ay “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”

Binigyang-diin din ni Duterte ang kahalagahan ng wika bilang kaluluwa ng kultura, tulay sa pagkakaisa at salamin ng kasaysayan ng bansa.

Nagbigay rin siya ng mensahe sa mga overseas Filipino workers (OFWs), at sinabing ang kanilang sariling wika ay nagsisilbing paalala ng tahanan saanman sila naroroon sa mundo.

Dagdag ng Bise na mahalagang gamitin ang wika at teknolohiya upang makatulong sa pagbuo ng isang bansang ligtas para sa mga bata.