Tiniyak ni Vice President Sara Duterte na on the way na ang tulong para sa mga Pilipinong apektado ng pagtama ng malakas na lindol sa Mindanao.
Kaugnay nito, pinangunahan ngayong araw ni VP Sara ang pagpupulong kasama ang Response cluster ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Office of the Civil Defense sa Quezon city.
Dito tinalakay ang usapin sa pagtugon ng iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno para sa ating mga kababayan at lokal na pamahalaan na apektado ng tumamang malakas na lindol sa Sarangani, Davao Occidental kahapon.
Ayon kay VP Sara, kanilang pagtutuunan ng pansin ang pagbibigay ng agarang tulong at rehabilitasyon sa mga apektadong lugar ngayon at sa mga susunod pa na mga sakuna.
Maliban dito, natalakay din ang posibleng epekto ng 2 low pressure area na namataan at pinaghahanda na ang mga lokal na pamahalaan sa pag-ulan, pagguho ng lupa at pagbaha.
Gayundin ang nakatakdang 3 araw na tigil pasada simula sa Lunes kung saan mayroon na aniyang inter-agency coordination para matulungan at masuportahan ang mga mananakay.
Ang naturang pagpupulong ay pinatawag ni NDRRMC Chairperson at Defense Secretary Gilbert Teodoro kung saan ang Department of Education na pinamumunuan ni VP Sara ay miyembro ng Response Cluster.
Si VP Sara nga ang tumatayong caretaker muna ng pamahalaan habang nasa labas ng bansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa official visit sa United States.