-- Advertisements --

Nilinaw ni VP Sara Duterte na hindi niya nakausap ang kaniyang kapatid na si Davao City Mayor Baste Duterte kaugnay sa naging panawagan nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbitiw sa pwesto.

Naniniwala si VP Sara na ang binitawang salita ng alkalde ay nagmumula sa pagmamahal ng isang kapatid na pareho sa sentimyento na hindi umano niya deserve ang hindi kanais-nais na mga pagtrato na natatanggap ng Bise-Presidente mula sa ilang sektor na nakapalibot sa Pangulo.

Samantala, sinabi ni VP Sara na sa kabila ng mga patutsada laban sa kaniya, hindi siya kailanman panghihinaan ng loob sa anumang atake, black propaganda, paninirang puri at iba pang hamon na ibinabato sa kaniyang pagkatao at mananatiling tapat sa kaniyang tungkulin bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) maliban na lamang kung bawiin ito ni Pangulong Marcos Jr.

Matatandaan na una ng sinabihan ni Mayor Baste Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang naging talumpati sa Davao city nitong linggo na magbitiw kung hindi nito mahal o walang aspiration para sa bansa.

Sinabihan din niya ang Pangulo na tamad at walang awa. Mas inuuna umano ng Pangulo ang pulitika at ang sariling preserbasyon ng kanilang pulitikal na buhay sa halip na unahin ang kanilang trabaho.