Nabuko ang ginawang paggamit ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte ng sertipikasyon mula sa Armed Forces of the Philippines upang mabigyang-katwiran ang paggamit nito ng confidential fund kahit na wala namang ibinababang pondo sa kanila.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability nang talakayin ang P15 milyong halaga ng confidential fund na ginamit na pambayad ng mga impormante.
Inusisa ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang mga opisyal at retiradong opisyal ng AFP kaugnay ng inilabas nitong sertipikasyon na ginamit ng DepEd sa liquidation ng P15 milyong confidential fund nito.
Ayon kina retired Maj. Gen. Adonis Bajao, Lt. Col. Carlos Sangdaan Jr., at Colonels Manaros Boransing at Magtangol Panopio ang sertipikasyon ay kaugnay ng Youth Leadership Summits (YLS) na isinagawa noong 2023.
Itinanggi ng apat na nakatanggap sila ng pondo mula sa DepEd para sa YLS. Kinumpirma naman ito ni retired Gen. Nolasco Mempin na noon ay isang DepEd Undersecretary.
Upang maging malinaw, tinanong muli ni Luistro si Mempin kung walang inilipat na pera ang DepEd papunta sa AFP para sa YSL, sinabi nito na wala.
Ayon kay Mempin hindi rin nito alam na gagamitin ang mga sertipikasyon para patunayan ang pagbabayad sa mga impormante.
Sinabi naman ni Boransing na ang YLS ay ginagastusan ng Philippine Army at mga lokal na pamahalaan.
Iginiit ni Luistro ang pagkakaiba ng sertipikasyong isinumite ng DepEd at ang pahayag ng mga opisyal ng sundalo.
Kinumpirma naman ni COA representative Atty. Gloria Camora na ang P15 milyon ay bahagi ng P75 milyong confidential fund na nilabasan ng COA ng notice of disallowance dahil sa kakulangan ng mga dokumento na makapagpapatunay ng ginawang paggastos.
Sa nakaraang pagdinig, inusisa ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel ang paggamit ng P112.5 milyong confidential fund para sa seminar lalo at kokonti lamang ang lumahok dito.
Lumabas sa pagdnig na ang special disbursing officer ng DepEd na si Edward Fajarda ang responsable sa P75 milyong cash advance mula sa confidential fund.
Ang sertipikasyon mula sa mga sundalo ang ginamit upang mabigyang-katwiran ang paggastos nito.