Sa halip na humarap sa mga mambabatas, pinili ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte na huwag siputin ang pinakaunang pagdinig ng House Committee on Justice nitong Miyerkoles kaugnay sa mga kinakaharap niyang impeachment complaint.
Iginiit ng bise presidente na mas pagtutuunan niya ng pansin ang pag-asiste sa mga mamamayang iniinda ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, kaysa makilahok sa tinawag niyang third fishing expedition ng Mababang Kapulungan.
Sa kanyang opisyal na pahayag, binigyang-diin ni Duterte na walang umiiral na panuntunan na nag-oobliga sa isang respondent na pisikal na dumalo sa mga pagdinig.
Pinaratangan din niya ang komite na ginagamit lamang ang imbitasyon para sa pamumulitika.
Kasabay ng kanyang pagliban, tahasang sinabi ni Duterte na dapat nang ibasura ng komite ang mga reklamo laban sa kaniya dahil sa kawalan ng sapat na basehan.
Ayon sa bise presidente, nagsumite na ang kaniyang kampo ng opisyal na tugon noong Marso 16.
Matatandaang umabante ang proseso ng komite matapos nitong pormal na ideklara noong Marso 4 na ang dalawang reklamo laban kay Duterte ay sufficient in form, substance, at grounds.
















