-- Advertisements --
image 9

Tiniyak ni Vice President Sara Duterte na “no mercy” ang pamahalaan pagdating sa paglaban nito sa kriminalidad at terorismo sa Pilipinas.

Ipinahayag ito ng bise presidente sa pagharap niya sa media pagkatapos ng kanilang isinagawang major command conference kasama ang security sector ng pamahalaan.

Ayon kay VP Duterte, napag-usapan sa kanilang isinagawang pagpupulong ang mas pagpapaigting pa ng seguridad kontra sa kriminalidad at terorismo.

Kasabay nito ay tiniyak niya na mayroong mahigpit na koordinasyon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng peace and order sa bansa habang abala sa kaniyang state visit si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ngunit nilinaw niya na sa ngayon ay wala pa naman daw silang namamataang banta sa national security ng ating bansa.

Samantala, maliban dito ay ibinahagi rin ng bise presidente na tinalakay din nila sa naturang pagtitipon ang iba’t-ibang usapin at suliranin sa mga sangay ng pamahalaan upang mapag-usapan kung papaano ito matutugunan.