Pinasalamatan ni Vice President Sara Z. Duterte si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapatunay sa lehitimong paggastos ng 2022 Confidential Fund (CF) ng Office of the Vice President (OVP).
Sa isang pahayag, binanggit din ni Duterte sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro, at Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na nag-ambag sa pagtatanggol sa budget ng OVP.
Aniya, talagang pinahahalagahan ng ilang opsiyal na sumuporta ang mga pagsisikap na ito dahil nakakatulong umano ito na kontrahin ang mga sinabi ni Rep. France Castro at ng Makabayan bloc sa Kongreso ukol sa 2022 OVP Confidential Fund.
Si Bersamin, ani Duterte, ay nagbigay ng detalyadong presentasyon tungkol sa 2022 OVP Confidential Fund na nagpatunay na wala itong nilabag na batas at pinabulaanan ang damdamin ng mga kritiko nito.
Kung matatandaan, iginiit ng mga opposition lawmakers mula sa House of Representatives na ilegal ang paglilipat ng presidential contingency funds sa OVP noong nakaraang taon.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng Office of the Executive Secretary (OES) na ang disbursement ay ginawa alinsunod sa Special Provision No. 1 sa ilalim ng FY 2022 Contingent Fund.
Sa ilalim ng Sepcial Provision No. 1, ang Pangulo ay awtorisado na aprubahan ang mga pagpapalabas upang masakop ang mga kinakailangan sa pagpopondo ng mga aktibidad ng NGA o national government agencies na kailangang ipatupad sa buong taon.
Kinilala ni Pang. Marcos ang pangangailangang ilabas ang nasabing budget para makatulong sa inisyatiba ng OVP at pagkatapos ng rekomendasyon ng Department of Budget and Management.