Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga komunidad na palakasin ang mga hakbang nito para maiwasan ang pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa.
Ginawa ng bise ang pahayag kasabay ng Dengue Awareness Month ngayong buwan ng Hunyo.
Binigyang diin ng bise ang kahalagahan ng pagsuporta sa kampanya ng Department of Health kontra Dengue na isang viral infection na dala ng lamok na madalas sa mga lugar na may tropical climates.
Sa mensahe ni VP Sara Duterte, sinabi nito na ang sakit na dala ng lamok na may dengue ay nakamamatay kapag hindi naagapan.
Aniya, lahat ng mamamayan ay nanganganib sa banta ng dengue partikular na sa mga pamamahay at mga komunidad.
Apela nito sa lahat na magkaisa sa adhikain na makontrol ang pagdami ng mga lamok na maaaring nagdadala ng dengue.
Una nang sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa noong buwan ng Abril na maaaring maharap ang bansa sa dengue outbreak ngayong taon.
Kabilang sa mga sintomas nito ay pagkakaroon ng mataas na lagnat , severe headache, muscle and joint pains, nausea, rashes at iba pa.
Mas mainam aniya na alisin ang mga pinagmumugaran ng lamok tulad na mga bagay na nagkakaroon ng tubig at kung maaari ay magsuot ng mga mahahabang damit bilang proteksyon.