KALIBO, Aklan —- Inimbitahan si Vice President Sara Duterte-Carpio at iba pang mga celebrities sa showbiz industry sa gaganaping opening salvo ng Kalibo Ati-atihan Festival 2023 sa darating na Oktubre 8.
Ayon kay Barangay Kagawad Mark Sy ng Poblacion Kalibo at tagapagsalita ni Kalibo mayor Juris Sucro na nakipag-ugnayan na si Aklan 2nd District Congressman Ted haresco sa OVP upang masiguro ang pagdalo ng bise presidente.
All set and ready na rin umano ang lokal na pamahalaan ng Kalibo para sa nasabing event.
Pagkatapos ng State of the Municipality Address (SOMA) ng alkalde na magsisimula dakong alas-5:00 ng hapon ay ang deklarasyon ng opening salvo o pormal na pagsisimula ng mga kasiyahan para sa itinuturing na “Mother of all Philippine festivals” sa Enero.
Samantala, ilan sa mga magpi-perform sa free concert sa Kalibo Pastrana Park ang lead vocalist ng Calla Lily na si Kian Cipriano kasama ang mga young stars na sina Xian Oquendo at Bianca Umali.
Ipinasiguro pa nito na ang okasyon ay bukas para sa lahat ng mga gustong makibahagi lalo na ang mga grupo at tribu dahil gusto umano ni Mayor Sucro na maging magarbo at makulay ang selebrasyon.