-- Advertisements --

Binatikos ni Vice President Sara Duterte ang kalagayan ng journalism sa Pilipinas, kasunod ng kanyang pagbisita sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague.

Sa isang panayam sa The Hague, sinabi ni VP Sara na malayo pa umano ang kalidad ng journalism sa Pilipinas kumpara sa international media.

Ayon pa sa Bise Presidente, mas maayos aniya ang paraan ng mga international media sa paghahanap at paglalahad ng mga balita.

Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos siyang tanungin hinggil sa umano’y pagkuha ng ilang media outlet sa kanyang mga pahayag nang wala sa tamang konteksto, na aniya ay nagdulot ng negatibong pagtingin sa kanya at sa kanyang pamilya.

Iginiit din niya na hindi dapat pera ang pangunahing dahilan ng pamamahayag, dahil kung ito lamang ang magiging layunin, mahihirapan umanong magkaroon ng tunay na pagbabago sa bansa.

Sinabi rin ni Duterte na malaking tulong ang social media dahil nagbibigay ito ng pagkakataon sa publiko na makita ang iba’t ibang pananaw at sariling bersyon ng mga pangyayari.

Nagpahayag din siya ng pangamba sa aniya’y nagbabagong pagpapahalaga ng ilang Pilipino, at nanawagang pahalagahan ang mga katangiang tulad ng bayanihan, discipline, at resilience.