-- Advertisements --

Pinayuhan ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan na maghinay-hinay sa mga panukalang pagtatayo ng mga bagong kagawaran na tututok sa kalamidad.

Pahayag ito ng bise presidente sa gitna ng lumakas na panawagang mabuo ang Department of Disaster Resilience dahil sa pananalasa ng mga nagdaang bagyo sa bansa.

“Mayroon kasi tayong NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council). (It is) worth studying pero i-assess muna (kung) kailangan ba talaga ano iyong kakulangan ng present set-up na kinakailangan pa nating gumagawa ng another department,” ani Robredo sa interview ng ANC.

Ayon sa pangalawang pangulo, dapat pag-aralang mabuti ang mga panukala para matimbang kung kailangan ba talaga ng bagong departamento o palalakasin lang ang mandato ng existing na ahensya.

Ito rin daw kasi ang inirereklamo ng ilang local officials na kanyang nakausap nang bisitahin niya ang mga sinalanta ng bagyong “Ulysses” at tubig ng Magat dam.

“Itong working in silos makes it very difficult to harmonize the policies of these many agencies having, parang having specific roles that sometimes, parang contradict each other.”

“Governor Albano was proposing that a Department of Water be established. Kasi sinasabi niya, Karen, ngayon kasi pagdating sa tubig, iba-ibang mga departments iyong nagte-take charge sa—nandoon iyong LWUA, nandoon iyong DENR, nandoon iyong iba-iba. And sabi niya iyong policies hindi harmonized.”

Sa Cabinet meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Tuguegarao City nitong Linggo, ipinanukala ni Interior Sec. Eduardo Año na NDRRMC ang mangasiwa sa operasyon ng mga dam tuwing may bagyo sa Pilipinas.