-- Advertisements --

Inilunsad na ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang housing project na tinawag bilang “BAHAYabihan” para sa mga komunidad na apektado ng sunod-sunod na pananalanta ng bagyo sa Pilipinas ngayong taon.

Ginawa ng bise presidente ang proyekto na ito upang tulungan ang mga pamilya sa bawat komunidad na magsimula muli sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bahay sa mas ligtas na lugar.

Ayon kay Robredo, magsisimula ang BAHAYanihan sa Barangay Mauraro sa Guinobatan, Albay para tulungan ang mga pamilya na nawalan ng bahay dahil sa lahar flow na kanilang naranasan dulot ng bagyong Rolly.

Karamihan aniya ng mga residente sa nasabing bayan ay naninirahan pa rin hanggang ngayon sa mga evacuation centers dahil wala na silang bahay o mga gamit na babalikan.

Ang relocation site naman para sa naturang pabahay ay ibinigay naman ng lokal na gobyerno.

Una nang sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na aabot ng 134,639 kabahayan ang iniwang pinsala ng bagyong Rolly sa Regions I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, V, VIII, CAR, at NCR.

Dagdag pa ng bise presidente na kalahati ng construction materials ay popondohan sa pamamagitan ng Kaya Natin donation drive.

Makikipagtulungan din ang opisina ni Robredo sa College of Engineering ng Bicol University, United Architects of the Philippines Draga-Cagsawa Chapter at Elliptical Chapter; maging sa JCI Legazpi para tiyakin ang kalidad ng bawat bahay na itatayo.