MANILA – Umalma si Vice President Leni Robredo sa desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na payagang magbukas ang ilan pang pampublikong atraksyon gaya ng mga sinehan at game arcades.
Ayon sa pangalawang pangulo, hindi praktikal ang desisyon ng gobyernong buksan ang iba pang establisyemento para lang makaahon ang ekonomiya ng bansa.
“Parati nating sinasabi na hindi puwedeng ihiwalay iyong health sa economy. ‘Di ba iyong pinakamabuting pagbukas ng ekonomiya, tutukan iyong health problem,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
Dagdag pa ni VP Leni, magdudulot ng banta sa bilang ng COVID-19 infection ang desisyon, lalo na’t nadagdagan pa ang mga tinamaan ng mas nakakahawang UK variant.
Kung maalala, isa sa mga unang rekomendasyon ng bise presidente ay ang pagkakaroon ng representatives ng local government units sa IATF.
Pero pinalagan ito ng Malacanang at sinabing may Department of Interior and Local Government naman para mag-representa sa mga lokal na pamahalaan.
“Kung sinunod sana nila iyon, hindi mangyayari iyong mga ganito na nag-deklara na ng policy tapos may appeal galing sa mga opisyal.”
“Sana bago nagkakaroon ng deklarasyon, pinag-uusapan muna nang maayos kaysa kaunti lang iyong nag-uusap, kapag nagkaroon ng deklarasyon babawiin, parang ang dami na nating ganiyan.”
Sa ilalim ng bagong IATF resolution, pinapayagan na rin ang publikong magpunta sa mga library, museum, theme parks at tourist attractions.
Ayon sa Palasyo, naging basehan nila ang bumubuting trend ng mga bagong kaso ng sakit, at maluwag na bed capacity sa mga ospital.
“In other words, walang problema pagdating sa utilization rate. Alinsunod ito sa katotohanan na kailangan na natin magbukas pa ng ekonomiya dahil kinakailangan magkaroon ng karagdagang hanapbuhay,” ani Presidential spokesperson Harry Roque.
Sa huling datos ng Department of Health, may halos 550,000 cases na ng COVID-19 sa Pilipinas. Mula sa kanila, 44 ang tinamaan ng UK variant.