Sinariwa ni Vice President Leni Robredo ang buhay ng kanyang namayapang asawa na si dating Interior Sec. Jesse Robredo sa 7th death anniversary nito ngayong araw.
Sa kanyang naging talumpati sa Museo ni Jesse Robredo, sinabi ng bise presidente na noong nabubuhay pa ang kanyang asawa ay palagi siyang sinasabihan nito na dapat lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkakataon na maging mahusay.
“Iyung test ng real na leadership, kung naging daan ka para iyong mga nakapalibot sa iyo, mas naging mahusay pa sa iyo,” dagdag pa nito.
Nagpasalamat naman din si VP Leni sa mga lokal na opisyal dahil sa ginawang mabuting ehemplo ng mga ito ang kanyang asawa, na dating alkalde ng Naga.
Nabatid na dalawa sa tatlong anak ni Robredo, sina Aika at Jillian, kasama ang kanilang mga kamag-anak, kaibigan at kasamahan ay dumalo sa isang misa at wreath-laying ceremony para sa kanilang ama.
Magugunitang pumanaw si Jesse Robredo sa isang plane crash sa karagatang bahagi ng Masbate City noong Agosto 12, 2012.