Planong ipagpatuloy pa rin ang Bayanihan E-Konsulta ni outgoing Vice President Leni Robredo na nagbibigay ng libreng telemedicine services sa gitna ng COVID-19 pandemic sa mga komunidad sa ilalim ng ilulunsad na Angat Buhay NGO sa July 1 pagkatapos ng kaniyang termino.
Sa isang pagpupulong at pagbibigay-pugay sa mga doctors at non-medical volunteers ng telemedicine program, binigyang diin ni VP Robredo ang kahalagahan ng pakikipagtulungan na maibangon ang buhay ng mga Pilipino kasabay ng muling pag-apela sa mga volunteers na ipagpatuloy ang naturang programa.
Subalit dahil sa pribadong kapasidad, aminado si Robredo na hindi gaanong malaki ang maibibigay na resources hindi gaya ng nagawa nito sa ilalim ng office of the Vice President.
Bagamat ilan sa kaniyang mga staff ay sasama sa kaniyang panibagong mga adhikain, binigyang diin ni Robredo na umaasa siya sa mga volunteers para mapatakbo ang naturang programa.
Inanunsiyo din ng OVP nakatulong sa mahigit 58,000 mga pasyente ang naserbisyuhan sa loob ng isang taon ng Bayanihan E-Konsulta program na nagtapos noong Mayo 31.
-- Advertisements --