CAUAYAN CITY – Hindi pinapansin ni Vice President Leni Robredo ang mga kritisismo sa kanya at tuluy-tuloy ang ginagawang pagtulong sa mga nangangailangan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Erin Taniada, Vice President for Extrenal Affairs ng Liberal Party (LP) at kasama sa legal team ni Robredo, sinabi niya na ang pagtulong ng bise presidente sa mga frontliners at pamamahagi ng mga food packs ay extension ng kanyang Angat Buhay Program.
Dahil hindi sapat aniya ang pondo ng tanggapan ni Vice President Robredo ay humihingi siya ng tulong mula sa mga pribadong korporasyon.
Ayon kay Atty. Taniada, nakalikom na ng P42 million ang bise presidente na ginamit sa pagbili ng mga Personal Protective Equipment (PPE) at mga food packs para sa mga frontliners sa buong bansa.
Dahil mula sa mga pribadong sektor ang pondo at hindi government funds, ang accountability ng bise presidente ay sa mga taong nag-donate ng tulong.
Palagi siyang naglalabas ng report kung saan napunta ang nalikom na pondo para alam ng mga private funders na hindi nasasayang ang ibinibigay nilang tulong.
Nagpapasalamat aniya si Robredo sa isang airline company na nakatuwang nila sa pagdeliver ng mga gamit sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Atty.Taniada, para kay Vice President Robredo, mahalaga sa kanya na nakikipagtulungan ang lahat para harapin ang problema sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Walang nilalabag na batas aniya si Vice President Robredo dahil extension ng Angat Buhay Program ang paglikom ng pondo mula sa private sector para tulungan ang iba’t ibang komunidad sa bansa.
Hangga’t hindi natatapos ang problema sa COVID-19 ay patuloy na maghahanap ng paraan ang tanggapan ni Vice President Robredo para makatulong sa mga nangangailangang sektor.