Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa sambayanang Pilipino na huwag mawalan ng pag-asa at magka-isa sa kabila ng mga problema na dinadanas ng bawat isa dahil sa COVID-19 pandemic.
Napakatindi umano ng mga pagsubok na dala ng nagdaang taon dahil tumama ang pandemya at humabol pa ang sunod-sunod na sakuna.
Ayon sa bise presidente, marami sa atin ang unang beses na sasalubong sa baong taon na hindi kapiling ang mga pumanaw na mahal sa buhay.
Marami raw kasing naapketuhan o nawalan ng kabuhayan, gayundin ang mas kaunti ang handa sa media noche. Bukod dito aminado si Robredo na maraming aspeto ng buhay ang nagbago — mula sa bahay, paaralan, opisina, at maging ang ugnayan sa pamilya at mga kaibigan.
Nagdala rin ang taong 2020 ng halo-halong emosyon: takot, pangamba at lungkot subalit kasabay nito ay magsisilbi din itong paalala sa lahat na ang petsang ito — ang unang araw ng unang buwan ng isang bagong taon — na laging may bagong simula at laging may pagkakataong bumangon.
Lagi rin daw tayong tinatawag ng bukas sa pag-asang kaya natin itong gawing mas maginhawa, mas masagana. at mas makatao kaysa kahapon.
“Patuloy tayong mag-ambagan upang matulungan ang mga kapwa nating mas mabigat ang dalahin,” she said. “Patuloy nating buksan ang mga puso at alalahanin na sa panahong ito, bitbit natin ang isa’t isa,” ani Robredo.
“Isang masaya at hitik sa pag-asang bagong taon sa inyong lahat,” pagtatapos nito.