-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi lalayo si Vice President Leni Robredo sa ipinatupad na istratehiya ng Duterte administration kung paano tugunan ng gobyerno ang mahigit 50 taon nang insurhensiya o armadong pag-aaklas ng grupong Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa bansa.

Ayon kay Robredo, sakaling manalong pangulo sa 2022 elections ay nais niyang ituloy ang localize peacetalks o “whole of the nation approach” upang mas direktang matututukan ang problema ng mga nasa nayon na laging nahuhuli sa mga sebisyo publiko ng gobyerno sa matagal nang panahon.

Ito ang bahagi ng tugon ng pangalawang pangulo nang matanong kung sang-ayon ito na buksang muli ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno at mga rebelde na ipinatigil ni Duterte dahil mas pinili ang “whole of the nation approach” na nakasaad sa kanyang inilabas na executive order No. 70.

Sinabi ni Robredo, mas epektibo ang direktang pagtutok sa baba kasi hindi nangyayari ang mga sagupaan sa itaas subalit nasa kanayunan kung saan nagkasalubong ang puwersa ng gobyerno at mga rebelde.

Si Robredo ay nasa Northern Mindanao para dumalo sa ilang aktibidad kaugnay ng paglaban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at mga pagbisita rin sa mga sektor na pasok sa kanyang mga kasalukuyang programa sa Office the Vice President.

Nagkataon din na habang nasa Cagayan de Oro City ang bise-presidente ay binisita naman ng ilang mga kaalyado sa pulitika at cabinet officials ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Iligan City.