Ikinabahala ni Vice President Leni Robredo ang lumulutang na issue ng katiwalian sa tanggapan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ngayong nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa.
Ayon kay Robredo, maituturing na nakaw sa pera ng taumbayaan kung mapapatunayan ang bintang ng korupsyon sa ahensya.
“Marami sa nagkakasakit hindi kayang bayaran iyong cost ng kaniyang hospitalization, ng kaniyang medication. Kapag nagkaroon ng korapsyon sa PhilHealth, nakaw iyon. Nakaw iyon sa pera ng tao. Kasi ang PhilHealth, contributions,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.
“Every time na may ninanakaw, gustong sabihin may isa tayong kababayan na nawawalan ng… nawawala iyong tulong na dapat para sa kaniya.”
Pinayuhan ng pangalawang pangulo ang administrasyon na tutukan ang mga alegasyon sa PhilHealth, lalo na’t isa ang issue na ito sa mga binakbakan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang nakaraang SONA.
“Kung totoong may korapsyon, gusto bang sabihin hindi nakinig kay Presidente last year? Kasi ito na ang sinabi ni Presidente, ‘di ba? Ito na ang sinabi ni Presidente noong nakaraan, last year na iyong korapsyon sa PhilHealth—nagkaroon na ng change in leadership. So, anong nangyari?”
Kamakailan nang ipagutos ni Duterte ang imbestigasyon sa lumutang na issue.
Una na ring itinanggi ni PhilHealth president Ricardo Morales ang alegasyon at iginiit na ganti lang ito nang empleyadong nagbitiw sa pwesto.