-- Advertisements --

Iginiit ni Vice President Leni Robredo ang kahalagahan ng pagkakaisa para sa 2022 elections para mapigil ang tangka ng ilang tao na manatili sa kapangyarihan at makabalik sa puwesto.

“Very important iyong 2022 elections, kasi iyong danger nga na iyong ma-propagate into power iyong mga nakaupo at iyong danger na babalik ang another Marcos. I don’t take it lightly,” wika ni Robredo sa isang panayam.

Tinutukoy ni Robredo ang posibleng pagtakbo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos bilang pangulo at deklarasyon ni Pangulong Duterte na tumakbo bilang bise presidente.

“Hindi ko tinitingnan ang sarili ko na savior. Sa akin, I’ve always kept myself close to the ground. If ako iyong makakahinto kay Bongbong Marcos, ako iyon. Pero kung hindi naman ako, I’m willing to support somebody else,” dagdag pa niya.

Ayon sa bise presidente, ito ang dahilan kung bakit nagsisikap siyang makabuo ng mas malawak na alyansa ng oposisyon sa pamamagitan ng pakikipagpulong sa iba’t ibang grupo bago ang halalan sa 2022.

“Para sa akin, so much is at stake in the 2022 elections and I still firmly believe that we need to talk beyond our usual circles. Ang paniniwala ko pa rin is to go into 2022 a united front,” wika ni Robredo.

Ayon kay Robredo, siniseryoso niya ang tiwala ng mahigit 200 grupo na nananawagang tumakbo siya bilang pangulo sa 2022.

“I’m very, very grateful for the trust and support. As I’ve been saying, I don’t take this trust lightly and I continue to give serious thought to this,” wika ni Robredo.

Muling iginiit ng mahigit 200 grupo na kumakatawan sa mahigit 500,000 miyembro ang kanilang panawagan para siya’y tumakbo bilang pangulo sa 2022.

Kabilang sa mahigit 200 grupo na nagpahayag ng suporta sa pagtakbo ni Robredo bilang pangulo ay mga manggagawa, health care workers, guro, church workers, kabataan at mga artist tulad nina Pia at Saab Magalona, actor na si Enchong Dee, vlogger at host na si Bianca Gonzales, at singers/activists na sina Jim Paredes and Bituin Escalante.

Kasama naman sa mga abogado na nangako ng tulong kay Robredo sina election lawyer Romulo Macalintal, human rights lawyer Chel Diokno, dating Supreme Court spokesperson Theodore Te at Dean Mel Sta. Maria.