Hindi na raw makikisawsaw ang kampo ni Vice President Leni Robedo sa usapin ng paghahabol at pag-aresto sa mga bashers nito, dahil prayoridad nito ngayon ang pagtulong sa mga biktima ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, matagal nang ininda ng pangalawang pangulo ang mga insulto at batikos na ibinabato sa kanya mula nang maupo sa pwesto.
Pero hindi naman daw hinayaan ng bise presidente na maapektuhan siya at kanyang tungkulin ng mga maling akusasyon.
“VP Leni is focused on working to help our fellow Filipinos struggling to cope with the hardships brought about by Covid-19 and the ECQ. We would rather spend our time and energy helping, rather than paying any attention to mean posts on social media,” ani Gutierrez sa isang statement nitong Huwebes.
Sa nakalipas na linggo ilang netizens na nagpo-post ng negatibo laban kay Pangulong Rodrigo Duterte ang inaresto ng mga otoridad.
Naglabas din ng anunsyo ang National Bureau of Investigation na pati mga bashers ni VP Leni ay kanila ring tutugisin.
Marami kasing umalma sa hakbang ng mga otoridad na tila proteksyon umano sa pangulo, sa kabila ng maraming banta kay Robredo.
Ayon kay Gutierrez, hindi nila haharangin ang NBI sa pag-iimbestiga.
“She’s endured this many times in the last four years, and she has never let it distract her from the real work that needs to be done. And this holds true even more during this time of crisis.”