Inihayag ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega na paulit-ulit umano ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na may mga mambabatas na kumikita sa impeachment complaint laban sa kanya, sa halip na direktang sagutin ang mga alegasyon at ebidensiyang inilalatag sa pagdinig.
Ayon kay Ortega, “gasgas at lumang tugtugin” na umano ang ganitong linya ng depensa, na sa tuwing tinatanong tungkol sa ebidensya ay nauuwi sa akusasyong may pera o may benepisyong nakukuha ang mga nag-aakusa.
Giit niya, ang dapat umanong sagutin ng Bise Presidente ay ang mismong articles of impeachment.
Kabilang sa mga isyung tinukoy ni ortega ang umano’y misuse of confidential funds, unexplained wealth, bribery allegations, at grave threats, na aniya ay dapat harapin sa pamamagitan ng dokumento at paliwanag, hindi ng paratang na may “Kumikita” sa pangalan ng pangalawang pangulo.
Binanggit din niya ang resulta sa isang pag-aaral na nagpapakita na karamihan ng respondents ay nais na humarap si Duterte sa Senate proceedings, at mas gusto itong personal na dumalo kaysa umasa lamang sa legal team.
Nakatakdang bumoto ang House of Representatives sa susunod na linggo kung ia-advance ang articles of impeachment patungo sa senado para sa posibleng impeachment trial. (report by Bombo Jai)
















