-- Advertisements --
image 238

Patuloy na nagpapakita ng mababang antas ng aktibidad ang Bulkang Taal sa Batangas sa nakalipas na 24 na oras na kung saan naobserbahan din ang vog.

Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang volcanic smog o vog ay naitala dahil sa pagtaas ng mainit na likido ng bulkan sa pangunahing lawa ng bunganga nito.

Nauna nang pinayuhan ng PHIVOLCS ang mga kalapit na residente na mag-ingat laban sa naturang vog.

Ito ay binubuo ng mga pinong droplet na naglalaman ng volcanic gas tulad ng SO2 o sulfur dioxide na acidic at maaaring magdulot ng pangangati ng mata, lalamunan at respiratory tract depende sa mga gas concentration at tagal ng exposure.

Ang mga sensitibo sa ganitong masamang epekto ng vog ay ang mga may hika, sakit sa baga at sakit sa puso, gayundin ang mga matatanda, buntis at bata.

Sa kabilang banda, walong volcanic earthquakes kabilang ang dalawang volcanic tremors na tumagal ng dalawa hanggang tatlong minuto ang naobserbahan sa nakalipas na 24 na oras.

Pinapayuhan ang mga residente na limitahan ang kanilang exposure sa vog sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga aktibidad sa labas, pananatili sa loob ng bahay, at pagsasara ng kanilang mga pinto at bintana.