Nakatakdang pagpulungan sa susunod na buwan ang negosasyon ng Pilipinas at France partikular na sa posibilidad ng pagkakaroon ng Visiting Forces Agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay French Ambassador Marie Fontanel, sa ikatlong linggo ng buwan ng Mayo nakatakdang magsagawa ng defense committee meeting ang matataas na opisyal ng Pilipinas at France na gaganapin sa Paris.
Aniya, ang pagtitipon na ito ay isang regular na pagpupulong na kanilang isinasagawa kada 18 buwan na magandang pagkakataon aniya para sa opisyal na pagtalakay sa iba’t ibang mga pamamaraan ang pakikipag-negosasyon kaugnay sa Visiting Forces Agreement.
Sa oras na mapagkasunduan, malagdaan, at maratipikahan ang Visiting Forces Agreement ng Pransya sa Pilipinas ay pahihintulutan nito ang French Forces na makapagsanay kasama ang kanilang mga Filipino counterpart
Matatandaan na noong Disyembre 2023 ay lumagda sina Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., at French Minister of the Armed Forces Sébastien Lecornu ng isang letter of intent paa sa pagpapaigting pa sa defense at security cooperation ng dalawang bansa.
Kaugnay nito ay binigyang-diin ng France na nananatili itong committed sa pagtiyak na naipapatupad ang rule of law at nananatiling bukas at malaya ang West Philippine Sea na nakasalig sa 2016 Arbitral ruling.
Samantala, sa ngayon tanging ang mga bansang Estados Unidos, at Australia pa lamang ang mayroong Visiting Forces Agreement sa Pilipinas, habang Reciprocal Access Agreement naman ang kasunduan na mayroon ang ating bansa sa Japan.