-- Advertisements --
OVP PGH

Tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong ng Office of the Vice President (OVP) at private partner sa mga healthcare workers na humahawak sa mga kaso ng COVID-19.

Sa huling ulat ng OVP, umabot na sa P39.3-milyon ang halagang nalikom na donasyon ng tanggapan.

Kasama na raw dito ang nalikom sa donation drive ng partner na Kaya Natin non-government organization.

“Bahagi nito ang P5.59 million na makakapagbigay ng 11,193 food and care packages sa mga frontliners.”

Simula nitong Lunes, namigay na ng food and care packages ang OVP sa 15 private at public hospitals sa Metro Manila.

Bukod sa mga medical staff, nabahagian din ng ipinamahaging tulong ang iba pang frontliner.

“Ang mga food and care packages na ito ay para sa iba pa nating frontliners, kabilang na ang mga guards, janitors, midwives, at iba pang mga tumutulong sa pagpapatakbo ng mga ospital sa gitna ng mapanghamong panahong ito. Kasama sa bawat package ang sabon, kape, vitamins, cleansing wipes, at biscuits.”

Sa mga personal protective equipment (PPE) naman, higit 30,000 sets na raw ang naipamigay ng tanggapan at grupo sa 103 ospital sa Metro Manila at ibang parte ng Luzon.

“May mga nakalaan rin po tayong tulong para sa ating mga frontliners sa Visayas at Mindanao.”

“Humihingi po kami ng kaunting pasensya dahil medyo pahirapan po ang supplies, habang patuloy ang pagpasok ng mga requests para sa ating mga frontliners—mula Batanes hanggang Tawi-Tawi.”