-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagsuporta ang mga kongresista mula sa Visayas kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa harap ng mga pag-atake dahil sa desisyon ng House of Representatives na ilipat ang P1.23 bilyong confidential funds sa ilalim ng proposed 2024 national budget.

Sa isang joint statement, nagpahayag ng suporta ang 12 kongresista na mula sa Cebu at ang lahat ng tatlong kinatawan ng Bohol kay Romualdez na nagpakita umano ng natatanging pamumuno at dedikasyon para mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.

Nakapirma sa joint statement sina Cebu province representatives Rhea Mae A. Gullas (1st District), Edsel A. Galleos (2nd District), Pablo John F. Garcia (3rd District), Janice Z. Salimbangon (4th District), Deputy Speaker Vincent Franco D. Frasco (5th District), Daphne A. Lagon (6th District), at Peter John D. Calderon (7th District).

Pumirma rin sina Emmarie “Lolypop” Ouano-Dizon (Mandaue City, Lone District), Eduardo R. Rama Jr. (2nd District, Cebu City), Sonny L. Lagon (Ako Bisaya Partylist), Maria Cynthia K. Chan (Lapu-Lapu City, Lone District), at Deputy Speaker Raymond Democrito C. Mendoza (TUCP Partylist).

Kasama rin sa pahayag ang mga kinatawan ng Bohol na sina Edgardo Chatto (1st District), Maria Vanessa Aumentado (2nd District), at Kristine Alexie B. Tutor (3rd District).

Pinuri ng mga kongresista si Speaker Romualdez sa pagsulong nito ng mga makabuluhang panukalang batas na makatutulong sa mga Pilipino at sa ekonomiya ng bansa gaya ng Trabaho para sa Bayan Act, Regional Specialty Centers Act, at One Town One Product Act.

Mahalaga rin umano ang naging pamumuno ni Speaker Romualdez kaya naipasa ang House Bill (HB) No. 8980, o ang panukalang 2024 General Appropriations Bill na nakalinya sa Medium Term Fiscal Framework, 8-point socioeconomic agenda, at Philippine Development Plan of 2028 na makatutulong para sa sama-samang pag-angat ng mga Pilipino.

Kinilala ng Visayas solon ang pagsulong ni Speaker Romualdez sa iba’t ibang panukala na paglinang ng turismo, eco-tourism parks, marine hatcheries, fish ports, national high schools, ospital, skills development, national shrines, environmental initiatives, at pagpapaganda ng mga kalsada at.

Naging sentro ng pag-atake ang Kamara matapos na ilipat nito ang confidential fund ng iba’t ibang civilian agency sa mga ahensya na ang pangunahing mandato ay magbigay ng seguridad sa bansa sa gitna ng ginagawa ng China sa West Philippine Sea.

Iginiit ng mga mambabatas na ang paglipat sa confidential fund ng OVP, DepEd, Department of Information and Communications Technology, Department of Foreign Affairs, at Department of Agriculture na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay para sa kapakanan ng bansa.

Sinabi rin ng mga kongresista na walang pork barrel ang Kongreso dahil matagal na itong ipinagbawal ng Korte Suprema.