Nagpahayag si Justice Secretary Menardo Guevarra sa posibilidad na buwagin na ang “visa upon arrival” na ipinagkakaloob sa mga dayuhan na dumarating dito sa Pilipinas.
Pero nagbabala naman si Guevarra na posibleng maapektuhan ang tourist arrival ng bansa kapag tuluyan nang i-abolish ang visa upon arrival.
Paliwanang niya, nakadisenyo kasi ang naturang konsepto para makahimok ng mga bisitang turista mula sa ibang bansa.
Pinag-aaralan na raw ng Department of Justice (DoJ) katuwang ang Bureau of Immigration (BI) ang visa upon arrival upang maiwasan ang mga pang-aabuso rito.
Sa ngayon hinihintay na lamang ng DoJ ang formal recommendation ng BI hinggil sa pagrebisa o pagsasaayos sa mekanismo, kasunod na rin ng panawagan ni Foreign Affairs Sec. Teddy Boy Locsin na mai-scrap ito.
Una rito, sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na nagiging “security concern” ang pagbuhos ng mga Chinese nationals sa bansa.