Kinumpirma ng Office of the Prosecutor General na sa susunod linggo ay posibleng makapaghain na sila ng subpoena kay Sen. Koko Pimentel.
Ito’y kaugnay ng kasong isinampa ni Atty. Rico Quicho laban sa senador dahil sa sinasabing paglabag nito sa Republic Act 11332 at IRR ng DOH sa mga lalabag sa protocol ng enhanced community quarantine.
Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, kasama sa ipapadala nilang subpoena sa mambabatas ang kopya ng reklamo ni Atty. Quicho.
Kinumpirma naman ni Justice Sec. Menardo Guevarra na nabasa na niya ang reklamo at ipinasa sa Office of the Prosecutor General.
Ipinapaubaya na raw ng DOJ secretary sa tanggapan ni Malcontento ang pagtatalaga ng state prosecutor para sa kaso.
Kung maaalala, inireklamo si Sen. Pimentel matapos samahan ang nanganak niyang asawa kamakailan sa Makati Medical Center kahit mayroon itong sintomas ng sakit at hindi kalaunan ay nagpositibo sa COVID-19.