-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na ipagpapatuloy nito ang pagtataguyod sa kaligtasan ng bansa bitbit ang mga inisyatibo at naging gabay ni dating National Security Adviser (NSA) Eduardo Año, kasunod ng pormal na pagretiro ng opisyal dahil sa isyung pangkalusugan.

Sa isang pormal na pahayag, pinuri ng pambansang pulisya ang ilang dekadang serbisyo publiko at hindi matatawarang ambag ni Año sa pagpapanatili ng pambansang seguridad.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., isang malaking marka sa sektor ng seguridad ang iniwan ni Año bilang dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at bilang isang retiradong heneral ng sandatahang lakas.

Binigyang-diin ni Nartatez na sa ilalim ng pamumuno ni Año, kapansin-pansing mas napagbuti ang coordination sa pagitan ng iba’t ibang ahensya at puwersa ng pamahalaan.

Ang estratehiyang ito ay direktang nagresulta sa pagkamit ng mas ligtas at payapang mga komunidad sa buong Pilipinas.

Bilang pagbibigay-pugay, nagpaabot ng malalim na pasasalamat ang PNP kay Año para sa naging dedikasyon nito na protektahan ang bansa laban sa anumang anyo ng panloob at panlabas na banta.

Iginiit ng pulisya na magsisilbing matibay na pundasyon at pamantayan ang mga istratehiya ng dating NSA sa kanilang patuloy na pagpapatupad ng law enforcement operations at pagpapanatili ng kaayusan sa bansa.