Iginiit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ang pagsasagawa ng pagdinig at imbestigasyon nang magkasabay ay mahalagang bahagi ng gawain ng Senado.
Binigyang-diin ni Villanueva ang kakayahan nitong balansehin ang legislative responsibilities habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin.
“Kasi hindi naman tayo ganon ka-busy sa paggawa ng mga resolusyon supporting our Senate President or supporting Senator Imee Marcos kasi dito po sa Senado, alam na natin kung ano ‘yung tama at hindi na kailangan ng mga ganyan kasi alam naman nila na they have the support of the Senate.” saad ni Villanueva.
Ito ang naging pahayag ni Villanueva sa unang pagdinig ng Subcommittee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, na pinamumunuan ni Senador Sonny Angara na layong amyendahan ang ilang economic provisions ng Saligang Batas.
Ang Resolution of Both Houses no. 6 ay inihain nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate President Pro-Tempore Loren Legarda, at Senador Sonny Angara.
Noong nakaraang linggo, sinimulan din ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, na pinamumunuan ni Senadora Imee Marcos, ang imbestigasyon sa mga iregularidad na may kaugnayan sa patuloy na people’s initiative (PI) na amyendahan ang Konstitusyon.
Muling iginiit ni Villanueva na magiging kumpleto at masinsinan ang pagharap ng Senado sa mga pagdinig, taliwas sa tinukoy niyang “pekeng PI” na isinulong ng ilang grupo na sinusuportahan ng Kamara.
Tiniyak ng senador sa publiko na hindi minamadali ng Senado ang proseso ngunit susundin ang timetable nito, kung saa ang lahat ng boses ay maririnig at ang mga paglilitis ay mananatiling transparent.
Dagdag pa rito, sinamantala ni Villanueva ang pagkakataong tugunan ang batikos na nakatutok kina Senators Marcos, Ronaldo “Bato” Dela Rosa, at Christopher “Bong” Go sa pagsisikyasat sa “pekeng PI” sa Davao City.
Iginiit nito na ang Senado ay hindi gagawa ng anumang panlilinlang kung saan ang ang institusyon ay nagtataguyod ng pinakamataas na pamantayan ng integridad.
“Wala po tayong itatago dito at higit sa lahat wala pong kalokohan gaya ng mga nadiskubre ng ating mga kasamahan noong nagpunta sila sa Davao with Senator Imee, Senator Bato and Senator Bong Go,” giit ni Villanueva.
Gayunpaman, nilinaw ni Villanueva na ang pangunahing layunin ng Senado ay amyendahan lamang ang mga probisyon sa ekonomiya ng Konstitusyon.