Inaresto ng mga awtoridad sa Vietnam ang dating Miss Grand International 2021 na si Nguyen Thuc Thuy Tien dahil sa kasong consumer fraud matapos niyang ipromote ang pekeng fibre supplement sa kanyang social media.
Ipinagbibili umano ni Nguyen ang Kera Supergreens Gummies na sinasabing mayaman sa fiber, ngunit nagkaroon ng public backlash nang malaman na hindi totoo ang mga claim na ito.
Ang produkto ay ipinasuri sa isang laboratoryo, at nalamang bawat gummy ay may lamang 16mg ng fiber, taliwas sa claimed nitong 200mg na makikita sa packaging.
Ayon sa imbestigasyon, ang gummies ay produkto ng isang joint venture sa pagitan ni Nguyen at mga influencer na sina Pham Quang Linh at Hang Du Muc.
Mali din daw nang pag-endorse ng produkto sa mga gummies kung saan sinabi ng mga sangkot na influencer na kasing dami ng isang plato ang fiber na nasa gummies.
Mahaharap sa patong-patong na kaso ang dating beauty queen at mga kasama nitong influencer kaugnay sa paggawa ng pekeng produkto at panlilinlang sa mga customer nito.
Samantala, mahigit 100,000 kahon ng gummies ang naibenta bago itigil ang pagbebenta ng mga produkto dahil sa natamong iskandalo.