CENTRAL MINDANAO- Hiniling ni Cotabato Vice Governor Emmylou Taliño-Mendoza sa mga gustong tumulong sa mga biktima ng lindol sa probinsya na magbigay ng materyales sa halip na magbigay ng salapi.

Ang tulong na cash ay papasok Local Government Unit (LGU-account) at mayroong proseso ng pagkuha ng pondo at maaantala ang pagpapatupad ng proyekto o tulong sa mga sinalanta ng lindol.

Sinabi ni Mendoza na makakatulong na mapabilis ang rehabilitasyon sa pamamagitan ng pagbili ng mga materyales sa kanilang sarili at ibigay ang mga ito sa LGU, na kung saan ay maaaring magamit ang donasyon upang agad na simulan ang pagtatayo ng mga tirahan.

Dagdag ni Mendoza na ang transitional shelters ay nagkakahalaga ng PHP28,800 hanggang PHP32,200 para sa tinatayang 100 na tirahan na itatayo sa Barangay Magbok Tulunan Cotabato.

Limang pansamantalang transitional shelters ang ibinigay sa mga benepisyaryo sa Purok 1 Brgy Magbok sa bayan ng Tulunan at 40 pang magkatulad na tirahan ang itatayo.

Ang mga benepisyaryo ay pipiliin ng LGU at Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO), sapagkat alam nila ang mga pangangailangan ng mga tao.

Nais lamang ng Bise-Gobernadora na matiyak na yong mga nakatira sa mga evacuation sites ay bibigyan ng isang komportableng bahay upang mabuhay ng maayos lalo na ngayong pasko.

Nilinaw ni Mendoza na nagsisikap ang Provincial Government na makapagtayo ng 100 temporary transitional shelters sa 3.5 ektaryang lupa sa Brgy Magbok ngunit nakabinbin ang sertipikasyon para sa ligtas na tirahan mula sa tanggapan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Umaasa si Mendoza na sa susunod na linggo ay mag-uumpisa na ang pagtatayo ng mga transitional shelters.

Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa bise-gobernadora sa inisyatibo at nangako sila na iingatan ang tirahan na iginawad sa kanila.

Ang mga materyales sa itinayong transitional shelters sa Brgy Magbok ay donasyon ng mga indibidwal o grupo na may malasakit at pagmamahal sa kanilang kapwa.

Matatandaan na mahigit 2,000 pamilya sa bayan ng Tulunan ang nawalan ng bahay sa tatlong magkasunod na malalakas na lindol.