
Lusot na muli sa ikatlong pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na naglalayong lumikha ng trust fund para sa mga magsasaka ng niyog.
Sa botong 159 yes at 5 no, ipinasa ng mga Kongresista ang House Bill 9197 o Coconut Farmers and Industry Development Trust Fund na akda nina House Speaker Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo at Committee on Agriculture chair, ANAC-IP Rep. Jose Panganiban.
Kung maalala, vineto ng pangulo ang naunang panukalang batas na pinasa ng bicam dahil umano sa kakulangan ng mga probisyon na magbibigay proteksyon sa coco levy fund, gayundin na posibleng labagin nito ang Saligang Batas.
Sa ilalim ng ipinasa na bagong House Bill, nakasaad ang pagkakaroon ng P10-bilyon na paunang pondo para sa coconut farmers at industriya nito. Target din nitong bigyan ng eksklusibong benepisyo ang coconut farmers.
Bukod dito, aprubado na rin ang pagbabawas sa mga opisyal ng Philippine Coconut Authority na uupo sa trust fund committee.
Inaasahang aabot sa P5-bilyon kada taon ang ilalaang budget para sa mga programa at proyekto na kaugnay ng panukala sakaling mapirmahan na ito bilang batas.
“The Trust Fund shall be available and may be utilized only for the purpose for which it was created and upon authorization of the Committee subject to the following conditions: 1) P10 billion of the initial trust principal, which shall be known as the Jumpstart Fund may be used within two years starting from the approval of the President to jumpstart the development of the industry; 2) an annual allocation of at least P5 billion shall be released for the programs and projects provided under the Act; and 3) ceiling for expenses shall be provided in the Implementing Rules and Regulations under Section 26 of the Act. “
Sa isang liham na naunang ipinaabot ni Arroyo kay Senate Pres. Tito Sotto, ipinaalala ng House Speaker ang pagiging priority bill ng panukalang batas bago magtapos ang 17th Congress.