-- Advertisements --

Mistulang malaking pabor umano sa troll farm operators ang naging pa-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa SIM Card Registration Bill.

Ito ang tinuran ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, kasabay ng kaniyang panghihinayang sa inilaang panahon ng dalawang kapulungan ng Kongreso para lamang maipasa ang naturang panukala.

Para kay Drilon, mainam na armas na sana ang naturang batas para labanan ang mga troll sa internet at mga nagpapakalat ng fake news sa social media.

Naniniwala ang mambabatas na napapanahon sana ang SIM registration para masawata ang mga political trolls ngayong nalalapit ang halalan.

Tanong tuloy ng mambabatas, kung ito raw ba ay “parting gift” ng Duterte administration sa mga troll.

“This veto is meant to protect trolls. Is it a parting gift? Magpapatuloy ang industriya ng trolling,” wika ni Drilon.

Pero ilang mambabatas ang tutol sa punto ni Drilon, lalo’t ang orihinal na plano ay SIM card registration lamang ito at bukod na batas na ang para sa social media issue.

Para kay Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, nasayang ang kanilang pagod dahil lamang pahabol na bahagi ng panukala na ipinasok habang nasa bicameral conference na ang bill.

“I first pushed for the sim card reg bill in the 13th congress, refiled it again & again, until 18th congress approved it. Frustrating for it to be vetoed because of a rider inserted by the bicam,” pahayag ni Biazon.

Maging si House Deputy Speaker Weslie Gatchalian ay naniniwalang ang inserted issues ni Drilon ay hindi angkop na isingit sa kanilang iniakdang panukala para sa pagpaparehistro ng SIM cards.