LEGAZPI CITY- Pinaiiwas muna ng isang veterinary expert ang publiko sa paggamit ng Ivermectin na pinaniniwalaang epektibong gamot laban sa COVID 19.
Kasunod ito ng testimonya ni Dr. Allan Landrito ng Concerned Doctors and Citizens of the Philippines na nagsabing nakatulong ang gamot sa mga COVID- patients sa Davao, na pinatotohanan rin ng COVID survivor na si Congressman Mike Defensor.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Veterinarian Dr. Pancho Mella, hindi nito inaalis ang posibilidad na nakakatulong nga ang Ivermectin sa COVID patients subalit hindi pa ito maaring ibigay sa tao lalo’t denisenyo ito para sa mga alagang hayop.
Ibinibigay kasi ang gamot para sa mga baka, baboy, aso, pusa at iba pang hayop na panlaban sa internal at external parasites kaya’t maikokonmsiderang iligal ang pagbibigay nito sa tao.
Suhestiyon naman ni Mella, na idaan muna ito sa mga pag-aaral ng Food and Drug Administration at magkaroon ng clinical trial upang matiyak na di magdudulot ng masamang epekto sa tao.